Bumaba ang naitalang mga kaso ng dengue sa bansa noong Oktubre.
Sa tala ng Department of Health (DOH), mula October 13 hanggang 19, nakapagtala lamang ng 5, 927 na bagong kaso ng dengue na mas mababa kumpara sa parehong petsa noong nakaraang taon na umaabot sa 7,656 na kaso ng dengue.
Nabawasan na rin ang bilang ng namamatay dahil dengue mula sa dating 40 sa parehong panahon noong nakaraang taon ay 20 na lamang naitala ngayong taon.
Ngunit nagpaalala ang DOH na hindi dapat na magpaka-kampante ang publiko dahil nananatili pa ring mas mataas ang naitalang kaso ng dengue ngayong taon kumpara noong nakalipas na taon.
Sa kabuuan, mula January 1 hanggang October 19, 2019 ay pumalo sa 371, 717 na kaso ng dengue kumpara sa 180, 072 cases noong nakaraang taon.