Malaki na ang ibinaba ng dengue cases at bilang ng namamatay sa naturang sakit sa unang bahagi ng taong 2021.
Simula Enero 1 hanggang Abril 2021, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 21,478 cases ng dengue katumbas ng 56% na pagbaba kumpara sa kaparehong panahon noong 2020.
Sumadsad naman sa 80 ang namatay simula Enero hanggang Abril 2021 kumpara sa 179 sa kaparehong panahon noong isang taon.
Nasa kabuuang 83,335 ang dengue cases at 324 deaths noong 2020 kumpara sa 437,563 cases at 1,689 fatalities nang magdeklara ng national dengue epidemic noong 2019.
Tinukoy naman ni Aileen Espiritu, program manager mula sa disease prevention and control bureau ng DOH ang “4S” strategy bilang pangunahing rason ng malaking pagbaba sa bilang ng tinatamaan ng nabanggit na sakit na nakukuha sa kagat ng lamok.
Binubuo ang “4S” strategy ng mga hakbang na Search and destroy mosquito-breeding sites; Self-Protection measures; Seek early consultation at Support fogging sa hotspot areas. —sa panulat ni Drew Nacino