Naglatag na ang Department of Health (DOH) ng dengue express lanes sa mga public healthcare facility upang i-prayoridad ang mga pasyente na tinamaan ng naturang sakit.
Ayon kay DOH Spokesman Dr. Lyndon Lee Suy, ina-activate ang express lanes tuwing tumataas ang kaso ng dengue upang matiyak na mayroong mga first-line health worker na tututok sa mga hinihinalang dengue patient.
Layunin din anya nito na mapaikli ang oras ng paghihintay ng mga pasyente at mabawasan ang bilang ng mga nagkakasakit.
Samantala, umapela rin si Lee Suy sa publiko na manatiling mapagmatyag laban sa posible pang pagkalat ng dengue kahit may El Niño phenomenon na panahon kung saan kapos sa tubig.
Dengue cases
Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng dengue sa bansa.
Sa probinsya ng Cebu, patay ang magkapatid na bata makaraang hindi agad madala sa ospital matapos na lagnatin ng ilang araw.
Dahil dito, umakyat na sa 235 ang bilang ng nasawi habang nasa 78,800 ang tinamaan ng dengue simula Enero hanggang Setyembre.
Samantala, may naitala na rin ang Department of Health (DOH) ng kaso ng dengue sa mga bayan ng tampakan at Polomolok, South Cotabato.
By Drew Nacino | Rianne Briones