Kinatigan ng Court of Appeals o CA ang pagpayag ng mababang hukuman na makapaglagak ng piyansa ang modelong si Deniece Cornejo at negosyanteng si Cedric Lee kabilang na ang iba pang respondents.
Ito ay may kaugnayan sa kasong Serious Illegal Detention at Serious Physical Injury na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro noong Enero 22 ng taong 2014.
Sa labing limang (15) pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Renato Francisco, kumbinsido ito na tama ang naging desisyon ng Taguig Regional Trial Court (RTC) na pagpiyansahin ang mga akusado dahil nabigo ang prosekusyon na magpakita ng mabigat na ebidensya ng reklamo laban sa mga respondent.
Sina Cedric Lee at Simon Raz ay naaresto sa Samar ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation o NBI noong Abril 26, 2014, matapos na maihain sa Korte ang kaso laban sa kanila.
Si Cornejo naman ay kusang sumuko sa Philippine National Police o PNP noong Mayo ng taong 2014.
Setyembre ng taong 2014 naman nang payagan ni Judge Esperanza Paz Cortes na pansamantalang makalaya ang tatlong akusado, ngunit aniya, kailangan nilang maglagak ng tig-500 libong pisong (P500,000.00) piyansa.
Matatandaang kamakailan lamang ay muling pinawalang sala ng DOJ o Department of Justice sa kasong rape si actor-comedian Vhong Navarro.
Ayon sa source ng DWIZ patrol, pirmado ni acting Prosecutor General Severino Gania ang review resolution na nagbabasura sa reklamong rape laban kay Navarro na ini-refile ni Denice Cornejo.
Binaligtad ni Gania ang resolusyong isinumite ng prosecution na makasuhan ng rape si Navarro dahil sa kawalan aniya ng bagong argumento at ebidensya ng kampo ni Cornejo para pagtibayin ang kaniyang reklamo.
Magugunitang ibinasura ng Taguig Prosecutors Office ang unang kaso ng rape na isinampa ni Cornejo laban kay Navarro dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya kung saan umakyat sa DOJ ang kampo ni Cornejo at muli naman itong nabigo.