Blangko ngayon ang Department of Environment and Natural Resources o DENR kung paano hahabulin ang kumpanyang nag – export ng basura mula sa Canada.
Napag – alamang wala na sa kanilang dating tanggapan sa Barangay Canumay, Valenzuela City ang Chronic Plastics, ang consignee ng Chronic Inc., isang plastic exporter na nakabase sa Ontario, Canada.
Ayon kay DENR Undersecretary Miguel Cuna, mayroon nang ruling ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 1 noong Hunyo 2016 na dapat balikatin ng Chronic Plastics ang gastos para maibalik sa Canada ang 50 container ng basura na inimport ng kumpanya noong 2013.
Nakapaghain na aniya ng mosyon ang Department of Justice o DOJ para i – compel ng Korte ang Chronic Plastics para sundin ang desisyon ng hukuman subalit hindi ito na – aksyunan hanggang ngayon.
Una nang sinabi ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na handa silang bawiin ang mga basura sa sandaling matapos ang lahat ng legal restrictions na naging dahilan kaya’t hindi agad nabawi ang mga basura.