Blangko ngayon ang DENR o Department of Environment and Natural Resources kung paano hahabulin ang kumpanyang nagexport ng basura mula sa Canada.
Napagalamang wala na sa kanilang dating tanggapan sa Barangay Canumay Valenzuela City ang Chronic plastics, ang consignee ng Chronic Inc, isang plastic exporter na nakabase sa Ontario, Canada.
Ayon kay DENR Undersecretary Miguel Cuna, mayroon nang ruling ang Manila RTC branch one nuong June 2016 na dapat balikatin ng Chronic plastics ang gastos para maibalik sa Canada ang limampung container ng basura na inimport ng kumpanya nuong 2013.
Nakapaghain na anya ng mosyon ang Department of Justice para i-compel ng korte ang chronic plastics para sundin ang desisyon ng hukuman subalit hindi ito naaksyunan hanggang ngayon.
Una nang sinabi ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na handa silang bawiin ang mga basura sa sandaling matapos ang lahat ng legal restrictions na naging dahilan kayat hindi agad nabawi ang mga basura.