Aminado si Department of Environment and Natural Resources (DENR) UnderSecretary Benny Antiporda na nagkausap na sila ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa issue ng pagbubukas ng Manila bay dolomite beach.
Tugon ito ni Antiporda sa lumabas na report na pinakakasuhan ni Domagoso sa Inter-Agency Task Force ang DENR dahil naging super spreader event umano ang pagdagsa ng mga tao sa nasabing lugar.
Ayon kay Antiporda, tila pinagsasabong lamang ng isang media personality ang DENR at Manila LGU.
Sa katunayan ay nagpasalamat pa anya noon ang Alkalde sa kagawaran sa ginawang development sa Manila bay dahil naging maayos ito bunsod na rin ng paglalagay ng white sand o dolomite.
Binuksan ang dolomite beach sa publiko noong isang linggo kaya’t dinagsa ng mga sabik nang makakita ng dagat at puting buhangin dahil na rin sa tagal ng panahon nang naka-lockdown.