Mas magpupursigi pa ang Department of Environment and Natural Resources sa kanilang isinasagawang rehabilitasyon sa Manila Bay ngayong 2020.
Ayon kay Environment Secretary at Manila Bay Task Force Chief Roy Cimatu, pinakamahirap na trabaho ang paglilinis sa Manila Bay na maituturing na pinakamaruming anyong tubig sa Pilipinas.
Gayunman, hindi aniya sila susuko bagkus ay pag-iibayuhin pa ang trabaho upang mapag-wagian ang tinatawag na “battle for manila bay”.
Sinabi ni Cimatu, marami na silang nakamit magmula nang umarangkada ang rehabilitasyon sa Manila Bay noong Enero ng 2019 pero mas marami pa aniya silang kinakailangang gawin.
Binigyang diin ni Cimatu, ngayong 2020, mas magiging puspusan ang kanilang mga pagsisikap para makamit ang kanilang pangunahing target na muling gawing angkop na pagliguan ang look ng Maynila.