Nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na maaari paring makapagsagawa ang mga turista ng iba’t-ibang beach activities sa Boracay basta’t gagawin lamang ito sa lugar na malayo sa dalampasigan.
Ayon kina DENR Undersecretaries Sherwin Rigor at Benny Antiporda, maglalabas sila ng mga prohibition policy sa reopening ng world-famous resort island na ipatutupad lamang sa beachfront areas.
Pahayag ni Rigor, ang mga prohibisyong ito ang magsisilbing gabay ng mga turista hinggil sa mga dapat at hindi dapat gawin sa Boracay para maprotektahan at mapanatili ang mataas na kalidad ng baybayin nito.
Ilan sa mga mahigpit na ipinagbabawal sa isla ay ang pagtatayo ng mga stage platform at ang pagse-set-up ng mga tables, chairs, massage beds, beach umbrellas, souvenir shops at food stalls.
Hindi rin aniya pinahihintulutan sa beachfront areas ang mga electrical fixtures, tulad ng lightings at wirings.