Nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na maaari pa ring magpatuloy ng operasyon ang mga restaurants na natuklasan nilang nagtatapon ng maduming tubig sa Manila Bay.
Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, ang tanging ipinasara nila ay tubo ng mga restaurants kung saan dumadaloy ang madumi nilang tubig patungo sa Manila Bay.
Ipinaliwanag ni Leones na mayroong sinusunod na due process sa pagpapasara ng mga posibleng lumalabag sa environmental laws.
Kabilang sa mga restaurants na natuklasang naglalabas ng maruming tubig sa Manila Bay ang Aristocrat Restaurant, Gloria Maris Shark’s Fin Restaurant at San Miguel By The Bay.
Una nang napaulat na patuloy ang operasyon ng tatlong restaurants sa kabila ng pagpapasara sa kanilang water discharge point.
“Pinutol na natin ‘yung kanilang discharge point, at kung makikita natin na may mga violations pa rin ay maaari na nating putulin ang supply ng tubig, siguro naman itong mga gagawin natin ay mapipilitan siyang mag-sarado, ngayon kung hindi talaga siya sumusunod, gross violation na ang ginagawa, then that’s the time na we will be coordinating with the local government unit na talagang isarado na ‘yang establisyimento na ‘yan.” Pahayag ni Leones
(Balitang Todong Lakas Interview)