Nakapuwesto na ang may 200 miyembro ng Armed Forces of the Philippines para tumulong sa pagbibigay seguridad sa isla ng Boracay.
Ito’y bilang ayuda sa mahigit 600 tauhan ng pambansang pulisya para sa napipintong pagpapasara sa naturang isla bukas, Huwebes, Abril 26.
Ayon kay Capt. Eduardo Precioso, tagapagsalita ng 3rd infantry division ng Philippine Army, nagpadala na sila ng 110 sundalo, 60 miyembro ng CAFGU at 30 tauhan ng Navy.
Kasunod nito, sinabi rin ni Precioso na magtatalaga rin sila ng navy boats para magpatrolya sa paligid ng isla sa panahon ng pagsasara nito.
Samantala, nakatakdang bumisita ni Environment Secretary Roy Cimatu sa isla ng Boracay ngayong araw para personal na inspeksyunin kung ganap bang naipatutupad ang kanilang inirekumendang action plan para sa rehabilitasyon ng isla.