Hinikayat ng Department of Environment and Natural Resources ang lahat ng mamamayan na mahilig magbisikleta, maglakad, at may pagmamahal sa kalikasan na makiisa sa pagdiriwang ng Philippine Forestry Service bukas, June 25.
Ayon kay DENR Secretary Ramon Paje, ginugunita ng bansa ang Bike, Hike, Plant Celebrating 153 Years ng Philippine Forestry Service.
Pangungunahan ng Forest Management Bureau ang nasabing aktibidad.
Dahil sa nararanasang pabagu-bago ng panahon sanhi ng epekto ng climate change, mahalaga aniyang maalagaan ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagbabawas ng polusyon at pagtatanim ng mga puno.
Aminado si Paje na bagamat nakatulong sa ekonomiya ang forestry sector, naging kapalit naman ang pagkaubos o pagkasira, pagkakalbo ng mga matataas na bahagi ng lupa na nakaapekto naman sa mga kanayunan.
Naniniwala si Paje na matatag na panlaban sa epekto ng climate change ang muling pagbuhay sa mga kagubatan.
Dagdag pa ni Paje, makatutulong ang lahat ng makikiisa sa bike, hike, plant program na mapalawak ang network para sa Forestry Champion at sa isinasagawang rehabilitasyon at proteksyon sa kagubatan.
Iginiit ni Paje na sa pagtatanim ng puno ay makakamit ng bansa ang Carbon-Free Philippines sa mga susunod na taon.
Kaugnay dito, kabilang sa mga lalahok sa bike, hike, plant program bukas ang may isang daang volunteer rider mula sa 50 kumpanya, pamahalaan, media at maging pribadong organisasyon ng mga biker at karagdagang limampung volunteer hiker naman mula sa iba’t ibang ahensya na makatatanggap ng seedlings na maaari nilang itanim.
May 400 cyclist din ang nakahandang makiisa.
Mula sa tanggapan ng DENR-EMB parking lot sa Quezon City patungog Mt. Sainai, Pintong Bucaue sa San Mateo, Rizal na bahagi ng upper Marikina River basin protected landscape ang isa sa mga ruta ng bike, hike, plant program.
Ganap na alas-4 ng madaling araw ang simula ng assembliya at pamamahagi ng mga seedlings ng puno.
By: Avee Devierte