Lusot na sa CA o Commission on Appointments si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu.
Sinabi ni Senador Cynthia Villar, chair ng Senate Committee on Natural and Environmental Resources, na ipinagmamalaki nila ang aniya’y overwhelming vote para sa kumpirmasyon ni Cimatu bilang kalihim ng DENR.
Magugunitang si Cimatu ay itinalaga ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos tuluyang ibasura ng CA ang appointment ni Gina Lopez.
Si Cimatu ay miyembro ng Poma Class 1970 at nagsilbing Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff mula Mayo hanggang Setyembre ng taong 2002.