Sabay – sabay na pagkilos ang naganap sa iba’t ibang panig ng bansa upang i – alok sa Pangulong Rodrigo Duterte ang revolutionary powers.
Isinagawa ang mga pagkilos sa Mendiola, Davao, Bacolod at iba pang lugar sa bansa.
Ayon kay Department of Interior and Local Government o DILG Assistant Secretary Efimaco Densing, nire – respeto nila ang kagustuhan ng Pangulo na huwag magdeklara ng revolutionary government subalit mahirap naman mapigilan ang karamihan sa taumbayan na gustong ibigay ang kapangyarihang ito sa Pangulo.
Una nang inamin ni Densing na abala sila sa DILG sa pag – iikot sa iba’t ibang panig ng bansa upang ikampanya ang revolutionary government.
Nakakasa na itong taongbayan para i-offer nga ang kapangyarihan ng revolutionary kay President Duterte noong araw, tingnan na lang ho natin kung anong mangyayari, kung tanggapin niya o hindi niya tanggapin. If ever tanggapin, respetuhin na lang natin.
Pero ang brutal dito, ‘yung taongbayan mailabas nila ang kanilang sentimyento.
May lumabas na survey na, survey ng bayan, 70% ng survey sinasabi na gusto nila na magkaroon ng revolutionary powers si Presidente.
RevGov pamalit sa parliamentary form of government
Gagamitin ang revolutionary government na pamalit sa parliamentary form of government.
Ayon kay Department of Interior and Local Government o DILG Assistant Secretary Efimaco Densing, ito ang nakikita nilang paraan upang maipatupad ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga gusto niyang pagbabago.
Sa ngayon aniya ay tila malabo nang umusad ang pag – amyenda sa konstitusyon para palitan ang sistema ng pamahalaan sa parliamentary form.
Kaya naman desidido aniya ang taumbayan na itulak ang revolutionary government upang maipatupad pa rin ang mga kailangang pagbabago ng Pangulo.
Matatandaan na umatras ang Pangulong Duterte sa pagsusulong ng revolutionary government matapos na tutulan ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND).