Trending ngayon sa social media ang pagbebenta ng 20 pesos per kilong bigas sa Cebu na inanunsyo kamakailan ni Governor Gwen Garcia. kaugnay nito, matatandaang nag-viral din ang pagbebenta ng 25 pesos per kilong bigas sa Negros Occidental na inilunsad noong October 12, 2023.
Ayon kay Department of Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa, nakikibahagi na ngayon ang lahat para makapagbigay ng abot-kayang bigas na naaayon sa plataporma ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Anong mga hakbang ba ang ginagawa ng Department of Agriculture, Local Government Units, at Farmers’ Cooperatives and Associations para mapababa ang presyo ng bigas?
Tara, suriin natin yan.
Naglaan ang Department of Agriculture, private sectors, at iba pang operating units sa Cebu at Negros Occidental ng sapat na pondo at resources para matulungan ang mga nangangailangang Pilipinong makabili ng murang bigas.
Sa Negros Occidental, ibinebenta ang bigas sa halagang 25 pesos per kilo sa ilalim ng Bigas ng Bayan Program. sinusuportahan ang proyektong ito ng Federation of Irrigators Association of Central Negros-Bago River Irrigation System. dito, inilalaan ng nasabing asosasyon ang 10% ng kanilang produksyon para maibenta sa vulnerable sector gaya ng persons with disabilities o PWDS, Senior Citizens, at Indigent People. inaasahang palalawigin ang proyektong ito para mas maraming komunidad ang makikinabang.
Sa Cebu naman, naglaan ang provincial government ng 100 million pesos na pondo para makabili ng bigas mula sa National Food Authority o NFA na siya namang ibebenta ng bente pesos per kilo. Iginiit ni Governor Garcia na Cebu ang pinakaunang makapagbebenta ng NFA rice ng 20 pesos per kilo na siyang pagtupad sa plataporma ni Pangulong Marcos.
Naglunsad na rin ang ibang LGUS ng procurement programs para suportahan ang mga magsasaka at matiyak ang patas at competitive na buying price ng palay, gaya na lang ng palay procurement program sa Nueva Ecija. dito, binibili ng Provincial Food Council ang bagong aning palay.
Sa mga programang ipinapatupad sa Cebu at Negros Occidental, tinitiyak ng administrasyong Marcos na protektado ang lahat ng sektor, kabilang na ang mga mamimili at mga producer ng bigas.
Ayon kay Asec. De Mesa, nagtratrabaho nang double time at ginagawa ng lahat ang kanilang parte para masiguro na matutupad ang target ni Pangulong Marcos na makapagbigay ng murang pagkain para sa mga Pilipino.
Sa iyong palagay, anong mga programa ang dapat ipatupad sa inyong LGUS para mas mapababa ang presyo ng mga bilihin?