Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang illegal recruitment agency sa Ermita, Maynila.
Ayon kay Secretary Susan Ople, pinadlak ng Anti-Illegal Recruitment Branch ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang Kharem’s International matapos madiskubreng nag-aalok ito ng ‘non-existent jobs’ sa Gitnang Silangan.
Natuklasan din na bukod sa hindi rehistrado ay wala ring lisensya para makapag-operate ang kompanya na nag-o-offer ng trabaho para sa mga domestic workers, beauticians, at on-call cleaners sa United Arab Emirates o UAE at iba pang bansa sa Middle East.
Sinasabing ang bogus job offerings ay ginagawa ng Kharem kapalit ng placement at iba pang advance fees.
Samantala, nanawagan naman si Ople sa mga nabiktima ng kompanya na lumapit sa Anti-Illegal Recruitment Branch ng POEA upang makakuha ng libreng legal assistance.