Naging makabuluhan ang pakikipagpulong ng sektor ng manggagawa kay Pangulong Rodrigo Duterte noong isang gabi.
Ipinabatid sa DWIZ ni Ka Leody de Guzman, Pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, na nananatili ang commitment ng administrasyon para mawakasan ang kontraktwalisasyon.
“Naging consistent ang ating Pangulo sa kanyang naging pangako na talagang tutol siya sa contractualization sa sektor ng paggawa, ayaw niya ng manpower agency, ayaw niya ng labor service cooperative na umaaktong mga kabo sa pagsusuplay ng mga manggagawa sa mga kumpanya, gusto niya regular ang ating mga manggagawa, direct hired at tumatanggap ng tamang sahod.” Ani de Guzman
Kasabay nito, sinabi ni De Guzman na inatasan na ni Pangulong Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III na madaliin ang pagpapalabas ng department order na maghihigpit sa implementasyon ng batas sa kontraktwalisasyon.
Nakatakda aniyang iprisinta ni Bello ang bagong draft ng department order sa isasagawang MTIPC o Manila Tripartite Industrial Peace Council meeting bukas, Marso 2.
“Wala namang eksaktong sinabi pero inatasan niya si Labor Secretary Bello na madaliin ang paggawa ng bagong department order na nagsasasaad na dapat itigil ang kontraktuwalisasyon, at magpapatigil din sa mga manpower agency na nagsusuplay ng mga manggagawa sa mga kumpanya.” Pahayag ni de Guzman
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)