Handang-handa na ang DepEd o Department of Education para sa pagbubukas ng school year 2017-2018 sa Lunes, Hunyo 5.
Ayon kay Education Undersecretary Jess Mateo, inaasahang karagdagang isang milyong mag-aaral ang makakabilang sa mga magbabalik sa paaralan sa Lunes.
Sinabi ni Mateo na maagang naghanda ang DepEd para sa pasukan at maliban sa Brigada Eskwela ay nagpatupad na sila ng early enrolment noon pang Enero.
Samantala, kanila naman aniyang ipinagpaliban ng dalawang linggo ang pagbubukas ng klase sa Marawi City.
“Na-postponed po muna, hintay tayo ng dalawang linggo titingnan natin base sa advise ng ating security forces kung puwede na nating buksan, syempre sa tulong po ng DepEd ARMM.” Ani Mateo
K to 12
Maganda ang resulta ng pagpapatupad ng K-12 sa mga paaralang nagsilbing model school o yuong mga paaralang pinayagan na maagang magpatupad ng naturang programa.
Inihalimbawa ni Education Undersecretary Jess Mateo ang paaralan sa Cagayan de Oro na nagkaroon na ng graduate ng Grade 12 nitong taon.
Mabilis aniyang nakakuha ng trabaho ang naturang mga graduates dahil akma ang programa sa paaralan, sa pangangailangan ng kanilang lugar.
Sa ilalim aniya ng K-12, ang mga ga-graduate ng senior high school ay labing walong (18) taong gulang na kaya’t maaari na itong makapagtrabaho kahit hindi pa tumutuntong ng kolehiyo.
“Ngayon yung unang taon na magkakaroon ng Grade 12 itong pagpasok, so lahat ng Grade 11 ngayon pupunta ng Grade 12, so next year natin makikita yung graduate ng K-12, nung ginagawa pa lang natin ang K-12 meron tayong tinatawag na modelling schools, yung mga nauna nakakatuwa kasi dito sa Cagayan de Oro yung graduate nila ng Grade 12 sa modelling ay nakakakuha agad ng trabaho.” Pahayag ni Mateo