Nakatanggap ng pambabatikos ang Department of Education mula sa mga netizens sa social media.
Kasunod ito ng naging post ng Kagawaran ng Edukasyon na maging “apolitical” o iwasang masangkot sa mga “political affairs” ang mga guro ngayong nalalapit na ang eleksiyon.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang Department of Education (DEPED) order (do) no. 048 na pinirmahan noong 2018 o ang tinatawag na “prohibition on electioneering and partisan political activity” at do no. 031, na pinirmahan naman noong 2019 o ang tinatawag na “prohibiting activities that constitute electioneering and partisan political activity during the campaign period” ay nangangahulugan na ang lahat ng pampublikong guro ay hindi umano maaaring sumailalim sa “partisan politics” o kahit na anong social media platform na may kaugnayan sa mga politiko.
Ayon kay Briones, dapat na manatiling neutral ang mga guro at sundin ang pinatutupad ng kanilang ahensya.
Dito na bumwelta ang mga netizen at sinabi na kung mananatiling tahimik o tikom ang bibig ng mga guro ay matutulad lamang ang mga estudyanteng tinuturuan nito na walang pakialam sa nangyayari sa bansa.
Bukod pa dito, hindi mabubuksan ng mga kabataan ang kanilang kaisipan pagdating sa nangyayari sa lipunan at mas lalong hindi magkakaroon ng karunungan ang mga ito kung patuloy lamang silang patatahimikin at aalisan ng kalayaan at kakayahang ipahayag ang kanilang opinion o paniniwala. —sa panulat ni Angelica Doctolero