Nagsimula nang maglibot sa ilang paaralan sa Metro Manila si Department of Education o DepEd Secretary Leonor Briones kaugnay sa pagbubukas ng klase ngayong araw na ito.
Sinabi sa DWIZ ni Briones na nais niyang personal na makita ang sitwasyon sa pagbubukas ng klase.
Inamin ni Briones na sa Metro Manila, malaking problema nila ang kakulangan ng silid-aralan kumpara sa mga nasa lalawigan.
Nagpapatupad na lamang aniya ng shifting sa mga klase ang ilang eskuwelahan para may magamit na silid-aralan tulad ng Corazon C. Aquino Elementary School sa Baseco sa lungsod ng Maynila.
“Bibisita ako sa mga eskwelahan na meron pang problema at eskwelahan na maayos tapos yung mga may kulang pa para makita natin kung paano ang pag-handle ng enrolment. Dahil sa kakulangan ng classroom, ang ginagawa ng mga teacher ay nag-si-shifting, kaya pupuntahan ko itong sa Corazon C. Aquino Elementary School dahil meron daw na 2 o 3 shift kada araw, para makita ko kung ano ang kalagayan talaga.” Ani Briones
Ayon pa kay Briones, walang sapat na espasyo sa kalakhang Maynila na uubrang pagtayuan ng mga bagong silid-aralan taliwas sa mga lalawigan.
“Sa kalakhang Maynila, sa NCR, problema talaga ang classroom sa mga crowded na lugar kasi kahit gusto naming gumawa ng bagong mga classrooms wala namang lugar, wala namang nagdo-donate at walang buildable space kumbaga, pero karamihan lalo na sa probinsya hindi problema ang lugar dahil may lupa naman, dito sa Metro Manila, ang problema maski gusto naming magtayo ng eskwelahan ay walang available na space, so shifting ang ginagawa.” Dagdag ni Briones
School communities
Kaugnay nito, pinaplano na ng DepEd ang pagtatayo ng school communities na nasa labas ng Metro Manila.
Ito ayon kay Briones ay para matugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan.
Sinabi sa DWIZ ni Briones na maaaring maging sistema rito ang pagbitbit ng mga estudyante patungo sa mga paaralang nasa labas ng kalakhang Maynila.
“Balang-araw iniisip na naming na gagawa kami ng school communities outside Metro Manila tapos dadalhin na lang ang mga bata sa bus papunta sa mga eskwelahan na medyo nasa labas ng Maynila, Marikina, Quezon City para magkaroon tayo ng talagang malawak na building at eskwelahan para sa kanila.” Pahayag ni Briones
Binigyang diin ni Briones na libre ang edukasyon sa elementarya at high school at bukas ang mga paaralan sa buong bansa para sa lahat ng batang Pilipino.
Samantala, naghahanda na rin ang DepEd sa pagtatayo ng mga tinaguriang ‘typhoon-resilient classrooms’ para tugunan ang problema lalo na sa panahon ng mga kalamidad.
“Ang standard kasi dati noong nangyari si Yolanda ay kailangang maka-resist ng 180 kph pero ngayon ang standard natin sa mga bagong buildings ay maka-resist ng wind na aabot sa 350 kph, tinaasan natin. Pinapalakas na rin natin ang foundation ng ating mga buildings ngayon.”
By Judith Larino | Balitang Todong Lakas (Interview) / AR
Photo Credit: @DepEd_PH / Twitter