Walang ipatutupad ang Department of Education na moratorium sa mga field trip at educational tour na kahalintulad ng sa Commission on Higher Education (CHED).
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni Education Undersecretary Jess Mateo na ito’y dahil mayroon nang inilabas na tatlong department orders ang ahensya hinggil sa pagsasagawa ng field trips at educational tours.
Nakapaloob aniya sa nasabing polisiya na hindi mandatory ang pagsama rito.
Inihalimbawa ni Mateo sa National Capital Region (NCR) na mayroong komite kung saan pinag-uusapan ang proposal ng bawat paaralan na magkakaroon sila ng field trip at educational tour.
“Katulad po ng ginagawa dito sa NCR sa mga division offices, nagke-create yan ng isang komite na kung saan pinag-uusapan yung mga proposal ng school na magkaroon ng field trip, doon naman sa committee titignan nila kung gaano kalayo ba ito, unang-una kailangan ba?, pangalawa kung sakaling kailangan, saan ba ito, gaano kalayo, at yung sasakyan bang gagamitin una rehistrado ba, pangalawa road worthy ba ito o hindi?” Ani Mateo
Tiniyak ng opisyal na tatalakayin nila ang bagay na ito sa executive committee meeting.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Education Undersecretary Jess Mateo
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)