Muling nagsagawa ng inspeksiyon ang mga engineer ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralang napinsala ng magnitude 7 na lindol kamakailan partikular na sa Ilocos Region.
Pinangunahan ng Quick Response and Recovery Team (QRRT) ang naturang aktibidad sa pamumuno ni Disaster Risk Reduction and Management Service Director Ronilda Co, katuwang ang Regional Office at School Division Offices.
Aabot sa 28 paaralan sa rehiyon ang binisita ng grupo upang malaman ang kalagayan ng mga silid-aralan, at iba pang pasilidad na naapektuhan ng kalamidad.
Layunin nitong mabigyan ng pansin ang pangangailangan ng mga apektadong paaralan, maobserbahan, at maibigay ang ibat-ibang rekomendasyon maging ang mga susunod na hakbang upang matugunan ang nararapat para sa mga mag-aaral lalo’t papalapit narin ang pagbabalik ng klase sa Agosto 22.