Iginiit ng Department of Education (DepEd) na dapat pa ring magkaroon ng class suspension kapag mayroong mga kalamidad kahit pa blended learning ang sistema ngayon ng pag-aaral ng mga bata.
Ayon kay Diosdado San Antonio, DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction, bagama’t lokal na pamahalaan ang gumagawa nito, kailangan pa rin itong gawin dahil apektado ng bagyo ang internet connectivity.
Kailangan din umano maghanda ng ilang pamilya ang kanilang mga bahay na pwedeng masira o masalanta ng bagyo.
Gayunman, posible rin naman aniyang mas maging maikli ang suspensyon ng klase dahil madali rin naman umanong makabalik sa klase sa oras na maging maayos na ang internet connection sa bahay ng mga estudyante.
Samantala, plano naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kausapin ang DepEd, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga alkalde ng Metro Manila para makabuo ng mga panuntunan kung paano gagawin ang class suspension sa ilalim ng distance learning.
Una nang inihayag ng DILG na dapat pa ring mag-anunsyo ng walang pasok kahit pa nag-aaral ngayon ang mga bata sa kani-kanilang tahanan.