Umapela ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang na maging positibo, iwasan ang init ng ulo at pag-aralan ang new normal na sistema ng edukasyon.
Ito ang inihayag ni Education Usec. Tonisito Umali kasabay ng pagbubukas ng klase sa Lunes, Oktubre 5.
Nilinaw sa DWIZ ni Umali na hindi naman nila inoobliga ang mga magulang na maging guro sa kanilang mga anak subalit mas makabubuti pa rin na magabayan ang mga estudyante sa kanilang unang taon sa pag-aaral.
Inaamin naman natin na napakahirap nga nitong sitwasyon natin, itong mga modules na mga ito ay talagang ikinasa lang ng lubusan nung nangyari lang ang pandemyang ito. Meron pa rin tayong mga librong gagamitin, itong self learning modules kasi nga ito’y isinulat sa pamamaraan na dapat maunawaan ng bata maski nag-iisa lang siya o may minimum supervision ng nakakatanda,” ani Umali.
Maliban sa modules na gagamitin ng mga mag-aaral, maaari rin nilang ma-access ang radyo at telebisyon para makasabay sa kanilang klase.
Meron tayong 162 local radio station partners na nakipag-partner ang ating division officers at regional offices, at 207 TV channel stations din. That is another delivery modality, pamamaraan ng pag-aaral, self learning modules at kasabay n’yan makikinig sa radyo o mapapanood sa TV yung mga lesson natin,” ani Umali.