Naniniwala si Education Secretary Leonor Briones na hindi sagot ang pagtataas ng sahod sa mga guro para masulusyunan ang kanilang pagkabaon sa mga utang.
Ayon kay Briones hindi siya tutol na taasan ang sahod ng mga guro ngunit kailangan din anya nilang magkaroon ng kaalaman kaugnay sa tamang paghawak ng kanilang pananalapi.
Giit pa ni Briones, hindi mararamdaman ang kahit na ano pa mang pagtataas ng sahod kung hindi nila i-a-ayon ang gastusin batay sa kanilang kinikita.
Itinuturing din ni Briones na “decades-old-drama” ang pagpatol ng mga guro dahil umano sa maliit nilang sahod sa mga loan o pautang kahit pa ito ay may malaking interest.
Kaugnay nito, magsasagawa ng “Financial Literacy Seminars” para sa mga guro ang Department of Education o DepEd katuwang ang iba’t ibang financial institutions katulad ng Government Service Insurance System (GSIS) at Bangko Sentral ng Pilipinas.
Paliwanag ni Briones ang layon ng hakbang na ito ay para bigyan ng sapat na kaalaman ang mga guro ng tamang paggastos.