Magtatayo ng election task force center ang Department of Education para alalayan ang mga guro na magtatrabaho sa May 14 Barangay at SK elections.
Ayon kay DepEd Usec for Administration Alain del Pascua, tulong ligal at teknikal ang ibibigay ng election task force center sa mga guro at mga non-teaching personnel na may mga poll duties.
Pagaganahin ito simula alas dos ng hapon sa Mayo 13 hanggang alas dose ng tanghali sa Mayo 15 sa central office ng DepEd.
Hinihikayat din ng ahensya na magtayo mg ETF center ang kanilang mga sangay sa mga probinsya.
Bukod dito, magbibigay din ang DepEd ng online seminar sa kanilang mga tauhan na magsisilbing chairman at miyembro ng Electoral Board at Barangay Board of Canvassers.