Mayroong ginawang ilang pagbabago ang Department of Education sa kanilang alituntunin hinggil sa pagsuspinde ng klase at trabaho sakaling magkaroon ng sakuna.
Batay ito sa DEPED order 22, kung saan binase ito ng ahensya sa tropical cyclone wind signals na i-isyu ng PAGASA.
Sakaling nakataas ang apektadong lugar sa signal number 1, mga klase na lamang sa kindergarten ang suspendido kung saan sa dating panuntunan ay sakop na nito ang mga klase hanggang grade 12.
Para naman sa mga maapektuhang lugar na itataas sa signal number 2 ay suspendido ang face-to-face classes mula kindergarten hanggang grade 10 ngunit ito’y ililipat sa modular distance learning.
Samantala, sakaling sumailalim ang ilang lugar sa signal number 3 o mas mataas pa ay awtomatikong suspendido na ang mga klase sa lahat ng antas.
Nakadepende naman ang suspensyon ng klase sa i-deklarang mga rainfall warning signal ng PAGASA sakaling magkaroon ng heavy rainfall at pagbaha.
Kaugnay nito, ang Local Chief Executive ng lugar ang nakatalagang magdi-desisyon sakaling nasa ilalim ng yellow warning ang lugar habang awtomatikong suspendido naman ang klase mula kinder hanggang grade 12 kapag umabot na sa orange o red warning.