Nagbabala ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa mga email na nag-aalok ng luma at hindi otorisadong learning materials.
Kasunod na rin ito nang natanggap ng DepEd na chain emails na naglalaman ng link sa learning materials na umanoy galing sa ahensya o sa kanilang online platform na DepEd commons.
Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua ang mga nasabing materials ay hindi tumutugon sa most essential learning competencies na tumutukoy sa kaalaman at kasanayang kailangang ipamalas ng isang magaaral sa bawat aralin o aktibidad.
Kakasuhan aniya nila ang matutukoy na nasa likod ng mga nasabing chain e-mails.
Binigyang diin pa ni Pascua na ipinagbabawal ang pagbebenta ng libreng learning materials maging sa mga grupo at indibidwal na nagpapabayad para sa dapat sanay libreng webinars.
Una nang iginiit ng DepEd na libre ang lahat ng mga otorisado at may kalidad na materyale na i-a-upload sa DepEd commons.