Nagdagdag ng nasa 11,000 guro at administrative officers ang Department of Education (DepEd) ngayong 2022.
Ito ay bilang tugon sa naging kakulangan sa pagtuturo bunsod ng naging epekto ng COVID-19 pandemic.
Mababatid na ang pandemya ang naging dahilan ng paglipat ng mga estudyante sa distance learning dahil ipinagpaliban muna ang pagsasagawa ng mga on-site o face-to-face classes.
Ayon sa ulat ng Office of the Press Secretary (OPS), nasa kabuuang 11,580 na bagong guro ang isinumite sa Malacañang at 5,000 naman ang bagong hire na administrative officers.
Sinabi rin ng DepEd na 161,700 na mga guro na ang nakakumpleto ng kanilang subsidized learning courses sa National Educator’S Academy of the philippines at kabuuang 31,700 na mga guro naman ang sumailalim sa Teacher Induction Program.
Anang DepEd, layunin ng National Learning Recovery Plan na bigyan ng gabay ang mga school regions at school divisions hinggil sa pagtugon sa mga kakulangan sa pag-aaral ng mga estudyante na dulot ng mahigit dalawang taong pandemya.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang importansya na masuportahan ang mga guro at huwag limitahan ang kaalaman ng mga estudyante dahil ang kinabukasan ng bansa ay nakasalalay sa mga ito. —mula sa panulat ni Hannah Oledan