Nagpalabas ng memorandum ang DepEd o Department of Education na nagbabawal sa pagbebenta ng mga pagkaing nakatataba, nagtataglay ng maraming asukal at mataas na sodium o asin sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang nasabing memorandum ay upang isulong ang magandang benepisyo ng mga masusustansiyang pagkain.
Ito rin aniya ay upang mapabuti ang paraan ng pagkain ng mga mag-aaral maging ng mga guro at iba pang personnel ng kagawaran kasabay ng layuning labanan ang malnutrisyon at obesity sa mga kabataan.
Batay kasi sa survey ng Food and Nutrition Research, lumabas na halos tatlumpung (30) porsyento ng mga kabataang Pilipinong may edad na lima hanggang sampung taong gulang ay kulang sa timbang at halos sampung (10) porsyento naman ang overweight.
Sakop ng nasabing kautusan ang mga canteen sa mga pampublikong elementarya at high school sa buong bansa.
By Krista de Dios