Nagpaalala sa mga guro ang Department of Education (DEPED) hinggil sa papalapit na national and local elections sa Mayo a-nueve.
Ayon kay DEPED Undersecretary Revsee Escobedo, hindi dapat masangkot ang mga guro sa kahit anong partisan political activities dahil mayroong memorandum na inilabas ang ahensya alinsunod sa ilang umiiral na batas.
Base sa 1987 constitution, walang officer o empleyado ng civil service ang dapat na makisali, direkta man o hindi sa anumang election hearing o partisan political activity.
Nakasaad din sa Executive Order 292 Administrative code of 1987 kung saan bawal gamitin ang kanilang kapangyarihan para makapang-impluwensya ng mga botante para sa ibobotong kandidato.
Base naman sa Republic Act 6173 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, dapat manatiling neutral ang lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan.
Samantala, sa ilalim naman ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991, nakasaad na maari silang maglabas ng pananaw o saloobin pero ipinagbabawal ang pakikisangkot, direkta man o hindi ng mga lokal na opisyal sa partisan political activities.