Itinutulak ng Department of Education o DepEd ang mas maagap na tulong pinansyal para sa mga Public School Teacher at iba pang kawani ng kagawaran.
Ito’y ayon kay Education Sec. Leonor Briones matapos na ipag-utos nito ang 3 buwang moratorium para sa kanilang mga kawaning may pagkakautang na lubhang naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine para labanan ang COVID-19.
Sa bisa ng Board Resolution No. 02, s. 2020 ng Provident Fund National Board of Trustees ng DEPED, hindi muna sisingilin ang pagkakautang ng mga Guro at iba pang mga kawani ng kagawaran sa loob ng 3 buwan.
Binigyang diin ng Kalihim na ang kautusan ay nakasalig sa itinatadhana ng ipinasang Republic Act 11469 o mas kilala bilang BAYANIHAN TO HEAL AS ONE ACT.
Dahil dito, mahigpit na pinagbabawalan ng batas ang lahat ng financial institutions na patawan ng interes o penalty ang pagkakautang ng mga Guro at mga kawani ng DepEd depende sa kung hanggang kailan iiral ang ECQ.
Una nang sinelyuhan ng DepEd ang kasunduan nito sa Government Service Insurance System o GSIS upang matulungan ang mga kawani ng kagawarang nawalan pansamantala ng trabaho dahil sa ECQ.
Dahil dito, ibabalik ng GSIS ang mga nauna nang kinaltas nito sa mga may pagkakautang ngayong buwan ng Abril sa pamamagitan ng ilalabas na special payroll.