Nagsagawa ng survey ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang, estudyante at guro para malaman ang kanilang naging karanasan sa distance learning nuong first quarter ng school year.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, sa nasabing survey maaaring iparating ang mga pagsubok na naranasan sa distance learning ng mga magulang, estudyante at guro.
Maaari rin aniyang ilagay dito ang tulong na kailangan para matugunan ang bagong sistema ng pagtuturo at pag-aaral.
Gaya umano ng gadget at iba pang kagamigtan, internet connection at maging availability ng isang tahimik na lugar para sa pag-aaral.
Sinabi ni Malaluan na ang survey na ito ay layong mapalakas pa ang distance learning sa bansa bagama’t pinaghahandaan na rin ang posibilidad ng face-to-face classes.
Ipinagbawal ang physical classes dahil sa banta ng COVID-19 kaya’t nag-aaral ngayon ang mga estudyante sa kani-kanilang bahay sa pamamagitan ng printed at digital modules, online classes, telebisyon at radyo.