Nagtakda ang Department of Education (DepEd) ng bilang ng oras na dapat gugulin ng mga estudyante sa paggamit ng gadget ngayong ipinatutupad ang online learning sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Batay sa department memorandum ipinabatid ni Education Undersecretary Alain Pascua na isang oras lamang ang dapat magugol ng mga mag-aaral sa kinder para magamit ang kanilang device.
Sinabi ni Pascua na ang mga mag-aaral namang nasa grades 1 hanggang 5 ay pinapayagang gumamit ng gadget ng isa at kalahating oras samantalang hanggang dalawang oras ang para sa grades 6 hanggang 8.
Ang mga nasa grades 9 hanggang 12 ay uubra namang makagamit ng kanilang gadget hanggang dalawang oras sa umaga at dalawang oras din sa hapon.
Ang screentime guidelines ay ibinase sa American Academy of Pediatrics at World Health Organization (WHO).
Una nang inihayag ng child development specialists na hindi advisable sa mga bata na gumugol ng mahabang oras sa paggamit ng kanilang gadget dahil makakasama ito sa kanilang mata at hindi makakaintindi ng kanilang mga leksyon.