Inamin ng Department of Education (DepEd) ang mga tinukoy ni Education crusader Antonio Calipjo-Go na mahigit 1,000 errors o mali sa bagong Grade 4 English book.
Gayunman, iginiit sa DWIZ ni Education Assistant Secretary for Planning and Development Jesus Mateo, na naitama na nila ang mga naturang mali, bago pa man lumabas o mai-publish ang kopya ng mismong libro.
“Na-correct na namin yung mga errors na sinasabi niya, totoo naman may errors doon sa draft na yun, pero nabago na namin yun bago i-publicize yun, hindi naman marami, kaya hindi puwedeng sabihing napakarami.” Ani Mateo.
Pagbusisi sa mga libro
Matagal nang ipinapatawag ng Department of Education si Education crusader Antonio Calipjo Go para makatulong na mabusisi ang mga nilalaman ng iba’t ibang libro.
“Kaya nga kami nananawagan, kasi nakakalungkot ilang beses na kaming nag-imbita sa kanya para sana matulungan kami kaso hindi naman nagpatuloy yung ganung ugnayan.” Pahayag ni Mateo
Private schools
Samantala, inaasahan na ang pagkalugi umano ng mga private schools ng halos P150 billion pesos sa tuluyang pagpapatupad ng K to 12 program.
Ayon kay Education Assistant Secretary for Planning and Development Jesus Mateo, napag-usapan na ang nasabing isyu bago pa man naisabatas ang naturang programa.
Subalit, ipinabatid muli ni Mateo na mayroon namang ayudang ibibigay ang gobyerno hinggil dito tulad nang tinatawag na senior high school voucher.
“Bago pa lang naisabatas yung K-12, napag-aralan na baka nga mawalan sila ng ganung kalaking revenue, pero sabi nila yan naman ang bitter reality na kailangang kagatin para sa kapakanan ng kinabukasan ng bata, tanggap po nila na mangyayari yan pero hindi naman pangmatagalan, kaya nga po meron tayong tinatawag na senior high school voucher.” Dagdag ni Mateo.
By Judith Larino | Kasangga Mo Ang Langit