Nakikipag-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa Department of Health (DOH) sa pagbuo ng bagong panuntunan kaugnay sa paggamit ng face masks sa mga paaralan.
Sinabi ni DepEd Spokesman Michael Poa na maglalabas ang kanilang ahensya ng updated health protocols kasunod nang pagpapatupad ng Executive Order Number 3 ni Pangulong Bongbong Marcos na nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face masks sa pampublikong lugar, maliban sa mga crowded area.
Kokonsultahin aniya ng ahensya ang DOH hinggil sa paggamit ng face masks ng mga mag-aaral at guro na kung minsan ay nasa outdoors o open spaces.
Sinabi pa ni Poa na magpapalabas din sila ng datos ng mga estudyante at guro na tinamaan ng COVID-19 mula nang mag-umpisa ang SY 2022-2023.