Aabot sa P18 Billion ang kailangan ng Department of Education para sa pagsasaayos ng mga paaralang nasira bunsod ng mga nagdaang kalamidad.
Ayon kay DepEd spokesman Michael Poa, ilalaan ang nasabing halaga sa restoration ng mga pasilidad na naapektuhan ng mga Bagyong Odette, Agaton at magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.
Una na anya silang humiling sa Department of Budget and Management ng P16 Billion para sa reconstruction ng mga paaralan.
Pero dahil nagkaroon ng lindol, karagdagang P1.7 Billion o higit ang kailangan para sa mga napinsalang eskwelahan sa Northern Luzon, partikular sa Cordillera at Ilocos Regions.
Naghahanap na rin ang DepEd ng “quick intervention” para tugunan ang mga problema sa silid-aralan na nasira ng mga kalamidad, lalo’t malapit nang magbukas ang klase.
Plano naman ng kagawaran na magtayo ng mga temporary learning spaces at naghahanap na sila ng mga lugar kung saan maaaring magsagawa ng klase.
Sa tantsa ng DepEd, aabot sa 9K paaralan ang bahagyang napinsala o tuluyang nasira sa Northern Luzon dahil sa lindol.