Patuloy ang pagkakaloob ng connectivity assistance ng Department of Education (DEPED) sa mga pampublikong guro para sa blended learning setup para sa school year 2021-2022.
Naipamahagi ng ahensya sa mga guro ang sim cards na may kasamang 34 gigabytes connectivity load kada buwan.
Paliwanag ng ahensya, sapat ang 1 gigabytes kada araw para sa 30 araw na klase kada buwan upang ma access ng mga guro ang e-learning, at whitelisted o zero-rated deped applications.
Kaya rin nitong masuportahan ang walong oras na video conferencing.
Mababatid na hiniling ng DEPED sa Commission On Audit (COA) at Department of Budget and Management (DBM) noong 2020 ang pagkakaloob ng cash na internet allowance, na aabutin ng humigit-kumulang 18 bilyong piso.
Sa ngayon kasi, ayon sa ahensya ay “walang umiiral na legal basis at pondo” para sa nasabing internet o connectivity allowance.
Sa kabila nito, tiniyak ng DEPED na patuloy silang makikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng suporta ang mga guro.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico