Pinahintulutan ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan na palawigin ang mga oras sa in-person classes para sa pagtuturo ng mga guro.
Ayon kay education assistant secretary Malcolm Garma, bibigyan ng “flexibility” sa contact time ang mga paaralan para makapaglaan pa ng maraming oras sa pagtuturo at pag-aaral ng mga mag-aaral sa pinalawak na limited face-to-face classes.
Paliwanag pa niya, sa ginanap na pilot run ng limitadong in-person classes noong Nobyembre hanggang Disyembre nang nakaraang taon, ang mga kalahok na paaralan ay pinapayagan lamang na maglaan ng tatlo hanggang apat na oras para sa pagtuturo kung saan base sa kanilang pagsusuri ay naramdaman ng mga estudyante na hindi sapat ang oras na ginugugol nila sa eskwela.
Bukod sa pagpapalawig ng oras, sinabi ni Garma na kasama rin sa pinalawak na face-to-face classes ang iba pang grade levels mula kinder hanggang grade 12.—sa panulat ni Airiam Sancho