Pinayagan ng Department of Education o DepEd ang mas marami pang in-person recognition at closing rites sa mga paaralan sa Bicol region matapos na luwagan ng pamahalaan ang COVID-19 restrictions.
Ayon kay director Gilbert Sadsad ng DepEd-Bicol, mahigit 2,500 na paaralan na ang mayroong face-to-face classes sa kanilang lugar kaya pahihintulutan nito ang mga nasa ilalim ng Alert level 1 at 2 na magsagawa ng closing activities.
Pero kailangan aniyang makipag-ugnayan ang mga paaralan sa kani-kanilang lokal na pamahalaan para sa tulong at pag-apruba rito gayundin ang pagpayag ng mga magulang.
Mahigpit namang ipatutupad sa naturang aktibidad ang pagsunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.