Pinayuhan ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang na turuan at gabayan ang kanilang mga anak sa paggamit ng internet bilang isang pamamaraan para matuto at hindi maging abala sa pag-aaral.
Kasunod na rin ito ng mga komento na ang matinding paggamit o pagbabad ng mga kabataan sa gadgets ang dahilan kaya mababa ang ranking ng Pilipinong mag-aaral sa reading comprehension.
Ayon kay DepEd Spokesperson Usec. Annalyn Sevilla, maituturing na bilang learning environment ang internet na ginagamit na rin mismo ng ilang mga educators o guro sa pagtuturo.
Gayunman, kinakailangan lamang matiyak na nagagamit ng mga estudyante sa maayos na pamamaraan ang internet at hindi nagiging dahilan para mawala sa focus sa pag-aaral.
Samantala, iginiit ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na maisabay sa makabagong teknolohiya ang paraan ng pagtuturo lalu na sa mga bagong henerasyon ng mga mag-aaral.