Umapela si Department of Education (DepEd) secretary Leonor Briones kay Pangulong Rodrigo Duterte na pahintulutan ang kagawaran na ipagpatuloy ang kanilang paghahanda para sa bagong school year batay sa kanilang road map.
Ayon kay Briones, nakabuwelo na sila sa naturang paghahanda kaya’t kung bigla pa aniya itong ihihinto ay maaaring ikadapa ng DepEd.
Wala aniyang dapat maganap na face-to-face classes upang maipagpatuloy nila ang kanilang paghahanda sa susunod na school year.
Nasimulan na rin, ani Briones, ng DepEd ang kanilang road map mula pa noong Mayo at target nilang buksan ang klase sa darating na ika-24 ng Agosto.
Dagdag pa nito, nakipag-usap na rin aniya siya sa dalawang telecommunication companies hinggil sa pagkakaroon ng libreng internet access na kinakailangan para sa maisagawa ang mga alternative modes of learning ng DepEd.
Maglalabas naman aniya sila ng mga learning modules para sa mga walang magagamit na radyo, telebisyon, at internet.
Samantala, mula nang simulan ang enrollment noong unang araw ng Hunyo, nasa kabuuang 10,654,795 na ang mga nakapag-enroll online; pinakamalaking bahagi nito ay mula sa Region IV-A at sa region III.