Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga nangangasiwa sa mga paaralan sa buong bansa na sagipin at pangalagaan ang mga makasaysayang puno sa kanilang lugar.
Ito’y ayon sa kagawaran ay upang mapanatili sa kaisipan at kamalayan ng mga mag-aaral sa kasaysayang nakapaloob sa bawat puno gayundin ang pagmumulat sa kanila hinggil sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, isang magandang pagkakataon aniya ito para sa mga guro na magbalik-tanaw sa mga kwento’t kasaysayan ng kanilang mga paaralan na siyang magpapatatag naman sa pagkatao ng mga kabataang Pilipino
Sa ika-64 na episode ng kanilang programang Stories for a Better Normal: Philippines’ Heritage Trees in School, iginiit ni Bureau of Learner Support Services – Youth Formation Division Chief Adolf Aguilar, kailangang ipaunawa sa mga kabataan ang diwa ng biodiversity na siyang nakalilimutan na ng mga kabataan sa ngayon.
Bukod sa kasaysayan ay magkakaroon din ng sariling pagtanggap ang mga kabataan kung personal ang kanilang karanasan sa mga matatandang puno sa kanilang mga paaralan, kung paano pangangalagana ang kalikasan at irespeto ang kapakanan ng mas nakararami kaysa sa pansariling interes. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)