Inamin ng Department of Education (DepEd) na walang pondong nakalaan ang ahensya para pampagamot o pampa ospital sa mga guro at iba pang kawani na posibleng tamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ngunit ayon kay Sevilla, nag-aambagan naman ang mga empleyado ng DepEd para magkaroon ng pondo o “internal budget” para may maipang alalay ang ahensya sakaling mayroong kawani na tamaan ng nakahahawang sakit.
Ani Sevilla wala kasing inilaang pondo ang pamahalaan para sa gamutan sa COVID-19 bagkus ay napaglaanan nito ay pagbili ng mga suplay na kailangan para matupad ang “minimum health standards”.
Ipinabatid din naman ni Sevilla na mayroong ugnayan ang DepEd at DOH at mga lokal na pamahalaan upang maayos na ma i-refer ang mga kawani ng ahensya na dadapuan ng COVID-19.
Una rito sinabi ng DepEd na maaaring gamitin ng kanilang mga kawani ang PhilHealth benefits para ipampagamot sakaling magkaroon ng COVID-19.