Binuweltahan ng ilang Senador ang depensa ni John Paul Solano matapos nitong sabihin na maaring dating sakit sa puso o pre-existing heart condition ang ikinamatay ni Atio Castillo at hindi ang hazing.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian , sa tingin nito ay kontrolado ng Aegis Juris Fraternity si Solano at layunin lamang ng mga ito na idiskaril ang pagkamit hustisya sa pagkamatay ni Atio.
Binigyang diin naman ni Senador Chiz Escudero , hindi daranas ng cardiac arrest si Atio kung walang hazing o pang-gugulpi na ginawa dito.
Giit pa nina Gatchalian at Escudero , hindi doktor si Solano kaya hindi na nito mababago ang katotohanan na namatay si Atio dahil sa hazing.
Ikinumpara naman ni Senador Juan Miguel Zubiri si Solano sa isang criminal syndicate na walang mailalabas na katibayan sa kanyang mga argumento.
Nauna rito , sinabi ni Senador Joel Villanueva na istupido ang nabanggit na depensa ni Solano at nagsisisi sila sa paniniwalang makatutulong ito kaso ng pagkamatay ni Atio.