Suportado ni Senador Chiz Escudero ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging permanente na ang deployment ban ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa Kuwait lalo na sa mga household service workers.
Ayon kay Escudero, tama lang na ipagbawal ng ating pamahalaan ang pagpapadala ng mga Pilipino sa Kuwait hanggang hindi nagbabago ang patakaran ng mga ito na kumukunsinte sa pang-aabuso ng kanilang mga mamamayan.
Giit ni Escudero, dapat magkaroon muna ang Kuwaiti government ng patakaran na poprotekta sa karapatan at kaligtasan ng mga dayuhang manggagawa gaya ng mga OFW.
Bukod dito, dapat tiyakin din ng Kuwait na mapaparusahan ang mga lalabag sa kanilang patakaran bago muling ikonsindera ang pagpapadala ng mga OFW sa nasabing bansa.
(With report from Cely Ortega- Bueno)