Inalis na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang total deployment ban sa Kuwait.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang naging desisyon ng Pangulo ay batay sa rekomendasyon ni Special Envoy to Kuwait Abdullah Mama-o.
Kasunod nito, agad inatasan ni Pangulong Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III na tuluyan nang alisin ang ban sa pagpapadala ng mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.
Ibig sabihin ay maaari na rin umanong magpadala ng mga household service worker o domestic helpers sa naturang bansa.
Una rito, inalis ng pamahalaan ang deployment ban para sa mga skilled at semi-skilled workers.
Magugunitang, nagkaroon ng lamat ang relasyon ng Kuwait at Pilipinas dahil sa kaso ng isang OFW na si Joana Demafelis na natagpuang patay sa loob ng freezer sa isang abandonadong apartment sa nasabing bansa.
—-