Mananatili ang deployment ban sa mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.
Ito ang iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) hangga’t hindi pumapayag ang Kuwait na magpatupad ng mas makatwirang mga hakbang para matiyak ang seguridad ng mga Pilipinong manggagawa doon.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, bagama’t umuusad ang negosyasyon sa Kuwait, kailangan pa ring igiit ang pagpapatupad ng mga mas pratikal na hakbang para sa protesyon at kapakanan ng mga OFW sa nasabing bansa.
Kabilang aniya sa kanilang isinusulong ay ang pagbibigay ng 120 Kuwaiti dinar bilang minimum salary ng mga Filipino domestic workers, walong oras na pahinga kada araw at limitahan lamang ang kanilang trabaho sa mga gawaing bahay.
Gayundin ang pagbibigay karapatan sa mga OFW na hawakan ang kanilang mga pasaporte at mga cellphone na hindi na kinakailangan pang i-surrender sa kanilang mga employer.
Samantala, nakatakda namang magpulong ang DFA at Department of Labor and Employment o DOLE ngayong araw para talakayin ang mga usapin at repormang pabor para sa mga OFW na nasa Kuwait.
—-