Posibleng tanggalin din agad ng Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ban o pagbabawal na magpadala ng manggagawang Pinoy sa Kuwait.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ito’y sa sandaling malagdaan na ang memorandum of understanding o MOU sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Nakapaloob aniya sa MOU ang mga panuntunan kung paano mapoprotektahan ang mga manggagawang Pinoy mula sa pang-aabuso lalo na ang mga kasambahay.
Sinabi ni Bello na dalawang taon na ring naghihintay ang MOU para sa household service workers na Pinoy sa Kuwait subalit ngayon lamang binigyang pansin matapos magpatupad ng deployment ban ang Pangulo.
Una rito, umapela kay Bello ang grupo ng skilled workers na inabutan ng deployment ban na payagan silang magtungo sa Kuwait.
“Meron tayong kasunduan between Kuwait at ang ating gobyerno tungkol ito sa mga skilled worker pero yung sa ating household service workers eh ayaw nilang pirmahan, pero now handa nang makipag-usap ang Kuwait para talakayin ang matagal nang nakabinbing MOU baka sakaling magkasundo at magkaroon ng paglalagda.” Pahayag ni Bello
(Balitang Todong Lakas Interview)