Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng deployment ban ng mga Filipino household workers sa Kuwait.
Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III matapos na mapagkasunduan at malagdaan na ng Pilipinas at Kuwait ang standard employment contract para sa mga Filipino household workers doon.
Ayon kay Bello, kaniya pang hinihintay ang detalye sa kaso ng pagpatay sa mga OFW’s na sina Jeanalyn Villavende, Joanna Demafalis, Constancia Dayag gayundin sa isa pang Pinay na hinalay umano pagdating pa lamang sa airport ng Kuwait.
Sinabi ni Bello, nais niya munang makita ang mga dokumentong magpapatunay na nakasuhan at nakulong na ang mga suspek sa mga nabanggit na krimen.
Dagdag ni Bello, agad ipatutupad ang nilagdaan nilang kasunduan para sa standard employment contract at sasaklawin nito maging ang mga OFW’s na kasalukuyan nang nagtatrabaho sa Kuwait.